AMINADO ang Department of Agriculture (DA) na hindi sapat ang mga inilatag na mekanismo para isakatuparan ang pangakong sapat at abot-kayang bigas para sa lahat.
Kaya naman ang nakikitang solusyon ni Agriculture Secretary Francis Tiu Laurel, pagdedeklara ng Food Security Emergency para sa bigas.
Sa ginanap na press briefing sa Palasyo, positibo si Laurel na aaprubahan ng National Price Coordinating Council ang rekomendasyon para sa isinusulong na Food Security Emergency.
Layon aniya ng Food Security Emergency bigyang-daan ang paglabas ng 300,000 tonelada ng supply na nakaimbak sa mga bodega ng National Food Authority (NFA) para tapatan ang patuloy na tumataas ang presyo ng bigas sa mga pamilihang bayan.
Sa ilalim ng Rice Tariffication Law, hindi maaring mailabas ang bigas sa mga bodega ng warehouse hanggat walang kalamidad sa bansa.
Pag-amin ni Laurel, hindi pa rin bumababa ang presyo ng bigas sa merkado sa kabila pa ng pagbaba sa 15% mula sa 35% ng taripa sa imported na bigas.
Sa sandali aniyang pagtibayin ang deklarasyon ng Food Security Emergency, inaasahan ang pagbaba ng P3 hanggang P5 sa presyo kada kilo ng bigas.
Pangako naman ni Trade and Industry Secretary Maria Cristina Roque, mahigpit na babantayan ang bentahan ng bigas sa merkado. Sa ilalim ng umiiral na reglamento ng departamento, pag mumultahin ng P5,000 hanggang P1 milyon ang mga negosyanteng hindi susunod sa itinakdang presyo.
