SA hangarin tiyakin ang maayos at mapayapang halalan, naglabas ng ultimatum ang hepe ng pambansang pulisya sa mga tinaguriang private army sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Babala ni Philippine National Police chief Gen. Rommel Marbil, meron na lang hanggang Marso ang mga hindi tinukoy na private armies para sa boluntaryong paglalansag, bago pa man kumilos ang kapulisan.
Kabilang rin sa binalaan ni Marbil ang mga regional, provincial at local police chiefs. Garantiya ng heneral, sisibakin sa pwesto ang mga PNP officials na mabibigo sa direktibang lansagin ang mga private army sa nasasakupang rehiyon, probinsya, lungsod at munisipalidad.
Bago pa man itinalaga bilang Central Luzon regional police chief, una nang inamin ni former PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo na meron aniyang mga aktibong private armed group na naispatan ang pulisya.
Partikular na tinukoy ni Fajardo ang Central Luzon, Zamboanga Peninsula Ilocos Region, Cagayan Valley, Calabarzon, Eastern Visayas at Bangsamoro Administration Region in Muslim Mindanao (BARMM).
