TULUYAN nang binawi ni Senador Risa Hontiveros ang kontrobersyal na panukalang Prevention of Adolescent Pregnancy Bill bunsod ng lumalawak na pagtutol mula sa iba’t ibang sektor.
Sa ginanap na Kapihan sa Senado, tiniyak naman ni Hontiveros na mananatili ang tunay na misyon ng senado — ang maampat ang pagtaas sa bilang ng pagbubuntis ng mga menor de edad.
Paglilinaw ng mambabatas, hindi pag-atras ang pagbawi ng inihaing Senate Bill 1979 na aniya’y pinukol sa kabi-kabilang fake news.
“Ang teen pregnancy ay isa pa ring national emergency at kailangan pa rin natin sa Senado na magpasa ng batas na makakatulong sa mga Pilipino. Hindi pwedeng talikuran ng Senado ang kanyang tungkulin na tugunan ito. This is why it is important for us to find a common ground, so we can pass this urgent and important piece of legislation. So, this time, I hope the Senate gives this a fair chance,” paliwanag ni Hontiveros.
“Inaral at pinakinggan natin ang mga agam-agam kaya meron na tayong substitute bill,” anang senador, kasabay ng giit na ang tanging inalmahan ay ang “fake news, ang disinformation at ang lantarang pagsisinungaling.”
“Nais ko din pong klaruhin na walang nakahain na quote “CSE Bill.” CSE or Comprehensive Sexuality Education is just one of the preventive measures to combat adolescent pregnancy, na isa lang sa mga probisyon sa Prevention of Adolescent Pregnancy Bill,” paliwanag ng senador.
Ipinaliwanag pa ng senadora na “tried and tested” ang maayos na implementasyon ng CSE bilang epektibong pamamaraan sa pagpapababa ng teen pregnancy. “And I — along with many advocates, civil society organizations, teachers and parents — uphold that what we are pushing for is an age and development-appropriate and culturally sensitive response to this national and social emergency.”
“Sa substitute bill, tinanggal na po na ang CSE at pasok sa pamantayan ng international standards na nakasaad sa orihinal na bersyon — para hindi na mabaluktot ng iba ang ibig sabihin nito. Gusto natin na maging mas malinaw na ang anumang ituturo sa ating kabataan ay sang-ayon sa kultura at konteksto nating mga Pilipino,” aniya pa.
Dagdag pa niya, ang CSE na para lamang sa adolescents o batang may edad 10 taong gulang pataas.
“This substitute bill also now includes a clear provision guaranteeing academic and religious freedom. This also includes provisions from the Senate President himself,” giit ng senador.
“I hope this allays valid and genuine fears. I hope this helps bring us senators together to finally pass a Prevention of Adolescent Pregnancy Bill our country so desperately needs,” pagtatapos ni Hontiveros. (Estong Reyes)
