
MALAKAS na pagyanig ng lupa bunsod ng magnitude 5.8 na lindol ang nakikitang dahilan ni Southern Leyte Gov. Damian Mercado sa pagkawasak ng 191 tahanan sa bayan ng San Francisco.
Sa isang kalatas ng pamahalaang panlalawigan, tiniyak ng gobernador ang agarang pagpapadala ng tulong sa mga apektadong pamilya.
Ganunpaman, inamin ng punong lalawigan na hindi pa sumisilong sa itinakdang evacuation center ang mga nawalan ng tahanan. Walang binanggit na dahilan si Mercado.
Bukod sa mga tahanan, napinsala rin umano ang ilang kalsada. Patuloy naman ang isinasagawang pagsusuri ng pamahalaang panlalawigan sa iba pang istruktura. Wala pang impormasyon kung may binawian ng buhay o nasaktan sa nasabing insidente.
Samantala, mahigit sa 160 aftershocks ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PhiVolcs) sa nakalipas na 24 oras.
Sa datos ng Phivolcs, nasa magnitude 1.5 hanggang 2.9 ang lakas ng mga sumunod na pagyanig ng lupa.