ANG kabataan ang pag-asa ng bayan – pero ano ang aasahan sa kinabukasan kung hindi natin sila aalagaan?
Ito ang buod ng mensahe ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, kasabay ng paglulunsad ng karagdagang tulong pinansyal para sa mga buntis at mga batang edad dalawang taong gulang pababa.
Ayon kay Gatchalian, hangad ng pamahalaan isulong ang kapakanan ng mga buntis, gayundin ang kanilang supling na edad dalawang taong gulang pababa sa bisa ng programang F1KD o ang First 1000 Days sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Pag-amin ni Gatchalian, ideya ni Pangulong ferdinand Marcos Jr. ang programang naglalayong kalingain sa unang 1,000 araw ang mga bata bilang paghubog sa matibay ang pundasyon ng mga susunod na henerasyon.
Partikular aniyang tutukan ng F1KD ang kalusugan, nutrisyon at pag-unlad ng mga bata sa kanilang unang 1,000 araw.
Sa ilalim ng F1KD, makakatanggap ng karagdagang P350 kada buwan ang bawat buntis at bata na kuwalipikado sa naturang programa.
