
AMINADO ang dalawang pambato ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas na malabong makopo ng administrasyon ang minimithing 12-0 sweep sa nalalapit na halalan para sa mababakanteng pwesto sa Senado.
Gayunpaman, nilinaw ni dating Senate President Vicente Sotto na pagsisikapan ng administration coalition na tulungan ang mga kandidatong nangangamote sa mga senatorial preference surveys.
Hindi man pinangalanan, kabilang sa mga senatorial bets na nasa labas ng Magic 12 sina Las Piñas Rep. Camille Villar, reelectionist Sen. Francis Tolentino, Lito Lapid at dating Makati Mayor Abby Binay.
Ang Alyansa ay koalisyon ng iba’t ibang partido kabilang ang Laka-CMD, National Unity Party, Nationalist People’s Coalition, Nacionalista Party, at Partido Federal ng Pilipinas.
“Two to three weeks before election may mga mangyayari, my experience in the past mahirap mag-predict, we are doing our best and President [Marcos] is helping us and colleagues and party mates from five political groups are doing their best to help so bottom line, best effort,” pahayag ni Sotto sa isang pulong-balitaan.
Maging si dating Senador Panfilo Lacson, hindi kumbinsidong makakamit ng Alyansa ang 12-0 sweep sa halalan sa Mayo 12.
“Twelve-zero, that’s out of arrogance at konting psychological warfare. Huwag kayong maniwala na kami mismo ay naniniwala na 12-0. Mag-try kami lahat na talagang bawat isa sa amin magkaroon ng extra effort for all the members of the team,” ani Lacson.
Kapwa pasok sa Magic 12 sina Sotto at Lacson batay sa resulta ng mga political surveys sa mga nakalipas na buwan.