MAGANDANG balita sa hanay ng mga tsuper at operator ng mga traditional jeeps – isinantabi ng bagong Kalihim ng Department of Transportation (DOTr ang implementasyon ng PUV Modernization Program.
Katwiran ni Transportation Secretary Vince Dizon, kailangan ng mas malalim na pag-aaral ang programang naglalayong palitan ang tinaguriang “Hari ng Kalsada.”
Giit ni Dizon, isusulong ng gobyernom ang isang komprehensibong programa kung saan aniya walang sektor na maiiwan sa pagpapalit ng makulay na dyip na tanging sa Pilipinas lamang matatagpuan.
Para sa bagong DOTr Secretary, dapat konsultahin ang mga transport stakeholder, kabilang na ang mga driver at operator para mapakinggan din ang kanilang mga lehitimong hinaing tungkol sa transport modernization program ng pamahalaan.
“It (PUV modernization) is status quo. So, kailangan kausapin muna natin sila at pag-aralan natin mabuti kung ano ang magandang way forward. Kailangang umusad tayo. Hindi naman pwedeng wala tayong gawin,” wika ni Dizon.
Nais niya na walang maiiwan sa modernisasyon ng sektor ng transportasyon gaya ng mga driver at operator.
“Kailangang maintindihan ng mga kasamahan natin sa transport sector na may alinlangan sa PUV modernization na hindi pwede ding iwanan na lang natin sa kinagisnan natin yung ating mga jeepney at iba pang mga nasa kalye natin,” dugtong ng bagong hirang na opisyal.
Samantala, kailangan aniya na magkaroon ng update sa master plan para sa transport infrastructure at palawakin pa ang partnership ng gobyerno sa pribadong sektor para sa maayos at mabisang transport system ng bansa.
“Our roadmap is really to privatize kasi yun ang pinaka mabilis. Kampante tayo na kapag nasa kamay ng pribadong sektor ang ating mga imprastraktura, syempre, maayos ang mga kontrata, protektado ang gobyerno, protektado ang mga pasahero, sigurado tayong mami-maintain at maayos ang pagpapatakbo ng mga facility na iyan.”
