MATAPOS ang napaulat na pagkakasabat ng Bureau of Custom (BOC) sa nasa P202 milyong halaga ng frozen mackerel mula sa bansang China, nanawagan si AGRI Partylist Rep. Manoy Wilbert Lee para sa mahigpit na implementasyon ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Law.
Ayon kay Lee, dapat protektahan ng pamahalaan ang kabuhayan ng mga local food producer para makamit ang seguridad sa suplay ng pagkain sa bansa.
Panawagan ng Bicolano solon sa liderato ng Kamara at Senado – aksyunan ang inihain niyang Blue Economy Act.
“Natutuwa tayo sa mga balitang may nasasabat na mga smuggled agri products, at na kakasuhan ang mga nasa likod nito. Pero nababahala tayo na kahit may naipasa na tayong batas kung saan pinabigat na ang parusa sa mga agri smugglers, hoarders, price manipulators at kartel, ay marami pa rin ang naghahasik ng lagim sa kabuhayan ng ating mga kababayan,” wika ni Lee.
“Kailangan dito ng mas mahigpit at epektibong implementasyon ng batas. Dapat iparamdam sa mga demonyong ito ang ngipin ng ating batas at may maipakulong na, dahil hindi titigil ang mga kriminal na ito sa pang-aabuso hanggat walang nasasampolan sa kanila,” dagdag niya.
Ang AGRI Partylist, na reelectionist sa nalalapit na 2025 National and Local Elections, ay siyang principal author ng Republic Act 10845 (Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016), gayundin sa amended version na RA 12022 (Anti-Agricultural Economic Sabotage Act).
Umapela naman ang AGRI partylist sa dalawang kapulungan ng Kongreso na agad bumuo ng bicameral conference committee para maisapinal na ang bersyon ng ini-akdang Blue Economy Act.
“Blue economy refers to a practical ocean-based economic model using green infrastructure and technologies and innovative financing mechanisms to achieve the twin goals of protecting our oceans and exclusive economic zones such as the West Philippine Sea and enhancing its contribution to sustainable livelihood and development of fishing communities,” paliwanag ng kongresista.
“As an archipelagic country, this measure would greatly contribute to increasing fish production and income of fisherfolk, expanding livelihood opportunities and achieving cheaper food prices and food security goals,” dugtong ng AGRI partylist.
Pagbibigay-diin ni Lee, “ang dagdag na oportunidad, maunlad na kabuhayan ng mga mangingisda at murang pagkain ay posibleng-posible dahil sa yaman ng ating karagatan. Blue Economy Act, ipatupad na!”
Una nang naipasa ng Kamara ang bersyon nito ng Blue Economy Act (House Bill No. 9662) sa ikatlo at huling pagbasa noong Disyembre 2023 habang ang Senate version ay pinagtibay noong Agosto ng nakalipas na taon. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
