PALAISIPAN sa mga kapwa mambabatas ang biglaang “pagkawala” ni Senador Ronald Dela Rosa matapos dakpin sa bisa ng warrant of arrest at ilipad patungo sa The Hague ang dati niyang amo.
Usap-usapan din sa Senado ang pananatiling sarado ng tanggapan ni Dela Rosa sa ika-limang palapag ng Senate Building ilang oras matapos arestuhin ng Philippine National Police (PNP) si Duterte kaugnay ng kasong crimes against humanity na isinampa ng pamilya ng mga biktima ng madugong giyera kontra droga sa ilalim ng nakalipas na administrasyon.
Bagamat may ilang kawani ang inabutan ng mga mamamahayag sa tinatawag na “extension office” ni Dela Rosa, wala naman makapagsabi kung nasaan ang mambabatas na nanungkulan bilang PNP chief sa panahon ni Duterte.
Bilang hepe ng pambansang pulisya, si Dela Rosa ang tumayong chief implementer ng madugong giyera kontra droga kung saan binawian ng buhay ang nasa 30,000 indibidwal.
Hindi rin makapagbigay ng official statement ang media relations officer ng senador na kabilang sa mga sinampahan ng kaso sa International Criminal Court. (ESTONG REYES)
