HINDI nagawa pang isalba ng mga manggagamot ang buhay ng isang 60-anyos na lolo matapos saksakin ng nakaalitang tricycle driver sa loob mismo ng bahay ng biktima sa Quezon City.
Agad naman nadakip ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) ang suspek na kinilala lang sa pangalang Dizon, 41-anyos na tricycle driver mula sa Barangay Paltok.
Sa ulat ng CIDU-QCPD, humahangos na pinasok umano ng suspek na armado ng patalim ang bahay ng biktimang si alyas Reyes dakong alas 8:45 ng gabi.
Batay sa salaysay ng nakalap ni PSSg Lorenz Mappala sa mga kapitbahay na nakasaksi sa pangyayari, dali-daling lumabas sa bahay ng biktima ang suspek habang may hawak na balisong na pinaniniwalaang ginamit sa pananaksak. Ilang saglit pa, lumabas din ang biktima sa habang umaagos ang dugo sa kanyang katawan.
Bago ang insidente, nakita umanong nagtatalo ang biktima at suspek na posibleng dahilan ng pananaksak ng huli.Gayunman, patuloy pa ang imbestigasyon sa motibo ng krimen habang inihahanda ang kasong murder laban sa tricycle driver. (LILY REYES)
