
“ANG simpleng argumento dito ay pumatay ka kaya dapat kang managot! Huwag gawing pulitika ang malinaw na krimen.”
Ito ang mariing pahayag ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chairman at TINGOG partylist Rep. Jude Acidre kasabay ng hamon sa kampo ni former President Rodrigo Duterte na huwag haluan ng pulitika ang paglilitis ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng dating administrasyon.
“Katarungan po para sa mga napatay ng fake drug war ang dapat na pagtuunan natin ng pansin at kanilang pamilya,” wika ni Acidre.
Kinondena ng House panel head ang mga kaalyado ni Duterte sa paggamit ng mga umano’y mapanlinlang na pahayag para palabasing may bahid ng pulitika ang kaso sa ICC.
“This is not about political vendettas. This is about justice for the thousands who were killed in the name of a drug war that disregarded due process. Instead of politicizing the process, they should allow the law to take its course,” giit ni Acidre.
Sinang-ayunan din ni Acidre ang pahayag ni Ruben Carranza, senior associate justice ng International Center for Transitional Justice, na kumastigo sa kampo ni Duterte, sa kawalan umano ng malinaw na legal strategy at sa paggamit ng ICC bilang political battlefield.
Tulad ng puna ni Carranza, sinabi ni Acidre na hindi sanay ang legal team ni Duterte sa proseso kung saan iginagalang ang due process.
Babala ni Acidre, maaaring masira ang kredibilidad ng mga kaalyado ni Duterte kung patuloy na ililihis ang usapin mula sa katarungan patungo sa pulitika.
“Ang dapat nilang gawin ay patunayan sa korte na inosente ang dating Pangulo kung talagang wala siyang kasalanan. Ngunit kung patuloy nilang gagamitin ang isyung ito bilang pulitikal na sandata, ipinapakita lang nila na wala silang malakas na depensa,” sambit pa niya.
“No amount of rallies or propaganda can erase the fact that thousands were killed without due process. If Duterte believes he is innocent, he should prove it in court, not in the streets.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
…………