SA gitna ng mga agam-agam ng iba’t ibang sektor sa posibleng epekto ng Pax Silica, ikinasa ni Senador Imee Marcos ang isang resolusyon na naglalayong talupan ang kasunduan na nilagdaan ng pamahalaan.
Sa ilalim ng Senate Resolution 547, target ni Marcos alamin ang aniya’y napipintong krisis dahil sa mataas na demand sa likas na yaman tulad ng tubig at kuryente sa sandaling sumipa ang operasyon ng ng Pax Silica sa New Clark City sa bayan ng Capas, sa lalawigan ng Tarlac.
Higit na angkop rin aniya ipabatid ang posibleng epekto sa kapaligiran at maging sa mga magsasaka at katutubong itataboy para sa itatayong artificial intelligence data center at pagawaan ng microchips at semiconductors.
Batay sa resolusyon ng senadora, pinakamalaking alalahanin ng ng mga environmental at scientific organization ay hindi ang teknolohiya kundi maraming suplay ng tubig at malaking suplay ng kuryente na kakailanganin para sa pagpapatakbo ng AI data centers.
Malaki rin aniya ang pangangailangan ng AI data center sa tubig na gagamitin para mapanatili ang lamig ng mga servers — bukod sa mataas at matatag na supply ng kuryente.
Base sa datos ng mga environmental groups, lumalabas na kakailanganin ng Pax Silica ang hindi bababa sa 130 milyong litrong tubig kada araw na katumbas ng suplay para sa 600,000 kabahayan, at tatlong gigawatts ng kuryente na katumbas naman ng 16 percent ng Luzon grid capacity.
Apektado rin aniya ang kabuhayan ng mga magsasaka at mga katutubo, pagbagsak ng food security, pagkasira ng kalikasan at pagtindi pa ng mga climate-related risks.
