NAGPAHAYAG ng kahandaan ang Palasyo ipaglaban ang P85 dagdag sa minimum wage ng mga manggagawa sa Metro Manila.
Bilang patunay, ibinahagi ni Palace Press Officer Claire Castro ang pagtindig ng Office of the Solicitor General na tatayong abogado ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) kaugnay ng naudlot na implementasyon ng P85 na dagdag sa minimum wage ng mga manggagawang nakabase sa National Capital Region.
Umaasa naman si Castro na papabor ang korte sa RTWPB lalo pa aniya’t hindi dapat sa korte idinulog ang apela sa implementasyon ng P85 dagdag sa minimum wage.
“Ang dapat na naging remedyo ng sinoman sanang may concern dito ay nagsampa ng apela sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board at Hindi sana sa korte,” ani Castro.
Garantiya ng Palace official, ipaglalaban ng OSG ang wage order na dumaan sa konsultasyon sa mga employers sa Metro Manila.
