WALANG puwang sa puso ng pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJK) ang isinusulong na “interim release” para sa mga walang puso.
Ito ang buod ng pahayag ni Atty. Kristina Conti na tumatayong International Criminal Court (ICC) assistant to counsel kaugnay ng mosyon ng kampo ni former President Rodrigo Duterte.
Partikular na tinukoy ni Conti ang petisyon humihikayat sa ICC na pahintulutan ang pansamantalang paglabas ni Duterte sa ICC detention facility.
Bagamat aminado si Conti na hindi pwedeng ismolin ang impluwensya ni Duterte, kumbinsido ang abogadong katuwang ng mga naulalilang pamilya ng madugong giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyong malabong pagbigyan ng ICC ang hirit ng kabilang kampo.
“Sa palagay ko mababa, siyempre, io-oppose namin iyan, tututulan yan ng mga biktima dahil malaki ang impluwensya pa rin ni Duterte,” wika ni Conti.
Mahalaga aniya na magpatuloy ang proseso ng ICC ng walang pananakot at walang pagpatay sa mga saksi upang mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng EJK na kalakip ng kampanya kontra droga sa panahon i Duterte bilang pangulo ng bansa.
“Kaya tingin namin mababa ang tsansa na payagan siya. Walang ano iyan, wala ring example pa, wala pang ginagawa iyong court – prior, kaya palagay ko maganit even from the point of view of the ICC.”
