SA gitna ng usa-usapan sa umano’y napipintong paglabas ng warrant of arrest kaugnay ng kinakaharap na crimes against humanity na isinampa sa International Criminal Court (ICC), nanindigan si Senador Ronald Dela Rosa na hindi siya susuko.
“Hypothetical? Hindi ako magpahuli. Hindi ako sasama. Hindi ako magpahuli,” wika ni dela Rosa sa isang panayam.
“Hindi ako lalabas sa aking comfort zone. My comfort zone sa Philippines. Bakit ako pupunta sa ibang bansa? Dito ako sa Pilipinas. Dito ako pinanganak. Dito ako mamamatay sa bansa kong sinilangan,” dagdag ng dating Philippine National Police (PNP) chief na nagpatupad ng giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon.
Una nang sinabi ni dela Rosa na handa na siyang samahan si former President Rodrigo Duterte na nakapiit na ngayon sa detention facility ng ICC sa The Hague, Netherlands.
Ayon sa ICC, siyam na co-perpetrators ang kasama sa arrest warrant na inisyu laban kay Duterte. Gayunpaman, walang iba pang detalyeng inilabas sa pagkakakilanlan ng iba pang akusado. (ESTONG REYES)
