HINDI sapat ang ginagawang pagbabantay ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado, ayon kay House Speaker Martin Romualdez.
Sa isang pahayag, iginiit ni Romualdez na dapat maging masusi ang pagkuha ng datos, gaya ng price monitoring, dahil ito ang magiging gabay ng pamahalaan para makapag patupad ng tamang hakbang.
“May price monitoring mechanisms ang ating mga ahensya pero dapat siguruhin natin nakikita sa pamilihan ang nakasaad na presyo sa monitoring na ito. Sa ngayon kasi, mukhang hindi akma ang estimate sa price monitoring sa tunay na presyo sa mga pamilihan,” wika ng lider ng Kamara.
Batay aniya sa datos ng Bantay Presyo ng DA, ang presyo ng itlog ng manok na large ay nasa P8 hanggang P9 kada piraso.
“Nakikita natin na sa wet markets, ang ganitong mga itlog ay nabibili sa P9 hanggang P11, at sa ilang supermarket, umaabot pa sa P12. Bakit may diperensya sa presyo kahit piso lang?” tanong ni Romualdez.
“Alam nating ginagawa ng DA ang kanilang makakaya sa pagbabantay ng presyo, pero siguro, mas mainam na dagdagan pa natin ang ating mekanismo sa pag-monitor. Nais nating lalo pang mapabuti ang serbisyo sa ating mga kababayan,” paliwanag abogadong kongresista mula University of the Philippines (UP).
“Ang bawat piso ay mahalaga. Kailangan natin itong itama para maging malinaw ang ipinapakita sa pamilihan,” anang lider ng 306-member House of Representatives kasabay ng diin na ang tapat at napapanahong datos ay kritikal para sa epektibong pagbuo ng mga polisiya at pagpapanatili ng tiwala ng mga mamimili sa buong bansa.
Sabi pa ng kinatawan ng unang distrito ng Leyte, ang pagkuha ng sentimyento ng mga lokal na nagtitinda at namamahala sa mga pamilihan ay makakatulong para pag-ugnayin ang mga opisyal na numero at tunay na sitwasyon sa baba.
Naniniwala siyang mahalaga ang sabayang pagtugon.
“May monitoring ang DA. May monitoring ang DTI (Department of Trade and Industry). Dapat nagkakaisa ang mga ahensya para makuha natin ang tunay na larawan ng presyo sa pamilihan,” punto niya. “Ito ang magiging susi para sa isang maayos at matatag na ekonomiya.”
Hindi lang aniya sa presyo ng bigas ang hamon, “Alam natin na hindi lang itlog ang apektado. Ang presyo ng karne at poultry ay patuloy na tumataas dahil sa mga isyung tulad ng African swine fever, kakulangan sa storage facilities, at init ng summer. Hindi ito maaaring balewalain.”
Dagdag pa niya, “Hindi natin pwedeng palipasin pa ang Mahal na Araw bago natin solusyunan ang mga problemang ito. Kailangan agad nating gumawa ng hakbang para sa ating mga mamamayan.”
Muling siniguro ng Speaker sa publiko ang pangako ng Kongreso salig sa atas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na makikipagtulungan sa mga ahensya ng pamahalaan para mapahusay pa ang pagbabantay sa presyuhan.
“Tayo’y magtutulungan upang matiyak na abot-kaya ang bilihin ng bawat sambayanan,” paglalakad niya. “Hindi ito laban ng iisang ahensya o grupo—ito ay laban nating lahat para sa mas maliwanag na kinabukasan.”
Sa kanyang pagtatapos, binigyang diin ni Speaker Romualdez ang pangangailangan na pagbutihin ang sistema para sa isang mas transparent at maasahang sistemang pang-ekonomiya.
“Kapag alam natin ang tunay na presyo sa pamilihan, nagkakaroon tayo ng sapat na batayan para gumawa ng tamang desisyon,” paliwanag niya. “Ito ay para sa ating lahat, upang masiguro natin ang isang matatag na ekonomiya at isang maayos na pamamahala sa ating bansa.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
