
ANG manlulupig, takot malupig. Ganito ang reaksyon ng mga netizens sa inilabas na travel advisory ng Chinese Embassy sa mga Intsik na nasa Pilipinas.
Sa travel advisory na nakapaskil sa official website ng Chinese Embassy, hinihikayat ang mga Chinese nationals na nagpaplanong bumiyahe na iwasan muna ang Pilipinas bunsod ng “unstable public security situation.”
Babala pa ng China, may mga insidente na di umano ng panggigipit sa mga Tsinong nakabase sa Pilipinas.
“Considering the recent unstable public security situation in the Philippines and growingly frequent harassment of Chinese citizens and businesses, witnessing more frequent occurrences of political assemblies, protests and demonstrations nationwide, Chinese citizens and businesses in the Philippines are faced with higher security risks,” saad sa isang bahagi ng travel advisory.
“Prospective travelers to the Philippines are advised to have thorough risk assessments and reconsider cautiously their travel plans,” anila.
Samantala, tinawanan lang ng Palasyo ang alegasyon ng China patungkol sa pambabarako ng mga Pinoy sa mga Chinese nationals na nasa bansa.
Taliwas sa git ng embahada, nilinaw ni Palace Press Officer Aty. Claire Castro na walang basehan ang pangamba ng China para sa mga mamamayang Tsino.
”Ang kanilang mga travel advisory is just a normal consular function of China. At we can assure China na hindi na po tayo nagta-target ng particular nationality or particular national na para i-harass,” pahayag ni Castro.
“Tandaan po natin, lahat po dito ay welcome, except po, of course kapag gumagawa po ng krimen. I-implement po natin kung ano po ang batas,” dugtong ng Palace official.