MULING nanawagan sa Kamara si AGRI partylist Rep. Manoy Wilbert Lee na maglunsad ng malalimang imbestigasyon sa ibinunyag ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng nasa P11-bilyong halaga ng gamot na inabutan ng expiration date sa mga bodega ng Department of Health (DOH).
Ang dahilan — hindi ipinamahagi ng DOH ang gamot na aniya’y nakapagsalba pa sana ng buhay ng mga maralitang pasyente.
“Buo ang suporta natin sa panawagang ito ni Senator Joel Villanueva para imbestigahan din sa Senado ang malaking kapabayaan at malaking kasalanan na ito sa taumbayan,” wika ng Bicolano lawmaker, matapos maghain ng Senate Resolution 1326 ang iang kapwa mambabatas sa Mataas na Kapulungan.
“Such negligence is both unacceptable and unlawful. Pondo ito na nasayang at serbisyong ipinagkait para sa kalusugan ng mga Pilipino,” himutok ng partylist congressman.
Disyembre ng nakaraang taon nang ihain ni Lee ang House Resolution No. 2117 na nagsiwalat sa aniya’y kapabayaan at paglabag sa mandato ng DOH sa nangyaring pagkapanis ng gamot at bakuna sa imbakan ng ahensya.
“According to the COA audit report for the year 2023, P11.18 billion worth of drugs, medicines and medical supplies, including over 7 million vials of COVID-19 vaccines that were unused, expired in DOH warehouses and health facilities. Among the reasons cited for such wastage are inadequate procurement planning and poor distribution and monitoring systems,” sabi ng AGRI partylist.
Giit naman ng AGRI partylist na kabilang sa mga grupong kahalok sa 2025 National and Local Elections, angkop lang talupan ng kongreso ang kapalpakan ng DOH para sampolan ang nagkasala.
Malaking bentahe rin ang congressional inquiry sa pagbabalangkas ng batas para hindi na maulit ang kapalpakan.
Una nang hiniling ni Lee sa DOH na magsumite sa Kamara ng comprehensive report hinggil sa estado ng lahat ng expired supplies, kasama na ang COVID-19 vaccines. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
