KUNG mahal niyo si former President Rodrigo Duterte, iboto niyo lahat ng senatorial bets ng Partido Demokratikong Pilipino (PDP), ayon kay reelectionist Senator Ronald Dela Rosa sa mga tagasuporta ng dating pangulo.
Para kay Dela Rosa, maipaparamdam ng mga mamamayan ang suporta sa dating pangulo kung pagbibigyan ang hiling ng 80-anyos na si Duterte — “vote straight PDP.”
“Lahat ng partido gustong i-dominate ang resulta. So si Pangulong Duterte, bilang chairman ng PDP Laban, ay siya po ay nagnanais at nangangarap na maraming PDP Laban candidates ang mananalo dito sa halalan ng midterm elections,” wika ni Dela Rosa sa isang radio interview.
“So lahat po tayo ay nangangarap. Sana po ay yung kanyang panawagan ay pakinggan ng ating mga kababayan para naman po maraming PDP Laban ang makapasok,” dagdag ng Mindanaoan lawmaker.
Sa pagdiriwang ng ika-80 kaarawan umano naghabilin ang dating pangulo sa anak na si Vice President Sara Duterte.
Sa halip umano talakayin ang legal na aspeto sa kinakaharap na kaso sa International Criminal Court (ICC), mas mabuting iboto na lang ang PDP-Laban senatorial bets sa nalalapit na May 12 polls.
“Sinabi niya, hindi na niya magawa ang mangampanya, tumayo sa stage doon sa Pilipinas… kaya sabi niya, ipaabot sa inyo na kailangan niya ang tulong. Kailangan niya ang mga PDP senators at mga guest candidates ng PDP-Laban.”
Nauna rito, personal din nanawagan ni VP Sara na iboto ang siyam na kandidato sa pagka-senador na inindorso ng PDP-Laban dahil naniniwala siyang ang mga ito ang tunay na makapagpapabago sa gobyerno.
Ang PDP-Laban senatorial line-up ay kinabibilangan nina Dela Rosa, Senator Bong Go, Atty. Jimmy Bondoc, Atty. Jayvee Hinlo, Atty. Raul Lambino, Philip Salvador, Rep. Dante Marcoleta, Pastor Apollo Quiboloy, at Atty. Vic Rodriguez.
