HAYAGANG tinukoy ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang industriyang nagbibigay ng sakit ng ulo sa gobyerno — ang smuggling at illegal manufacturing ng vape at sigarilyo.
Partikular na tinukoy ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui Jr. ang datos ng kawanihan kung saan aniyang lumalabas na pinakamalaki ang nawawalang kita ng ahensya sa vape smuggling at illegal cigarette manufacturing.
Bukod sa kita, pinakamarami din umano ang naitalang paglabag sa umiiral na batas ng tax obligation ang mga naturang negosyo.
Gayunpaman, pinawi ni Lumagui ang agam-agam ng publiko kasabay ng pagtitiyak na bantay-sarado sa kawanihan ang manufacturing, distribution at ssales ng mga nasabing produkto para siguruhin ang tamang pagbabayad ng buwis ng gobyerno.
“Our agency has been doubling down on enforcement against both emerging and long-standing sources of tax evasion, particularly in the vape and tobacco industries,” pahayag ni Lumagui.
Itinuturing din ng BIR chief ang vape bilang panibagong industriya sa bansa.
Pag-amin ng chief tax collector ng bansa, patuloy pa rin ang pamamayagpag ng cigarette smuggling.
“Marami pang illegal na mga pagawaan at pagpupuslit ng mga sigarilyo kaya naman talagang nakatutok po tayo dyan… na habulin ang mga nagbebenta ng [illegal na] vape at sigarilyo,” ayon pa sa pinuno ng BIR, na kilala rin bilang isang bihasang tax lawyer.
Paalala ni Lumagui, maganda ang layunin ng batas sa pagpapataw ng buwis sa cigarette at vape products “dahil parte ng nakokolektahan dyan ay napupunta sa healthcare services ng ating mga kababayan.”
Ginawa ng BIR head ang pahayag matapos ang ginawang pagwasak sa nakumpiskang ₱3.26-bilyong halaga ng smuggled vape products sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“The destruction of these smuggled products marked another milestone in the government’s intensified campaign against illicit trade—an effort being led on multiple fronts by the Bureau of Internal Revenue (BIR) and the Bureau of Customs (BOC),” ani Lumagui.
Sa panig ni Marcos, binigyang pagkilala ang BIR sa pagpupursige ng BIR na habulin ang mga tax evaders at aktibong pagsasagawa ng inspeksyon sa mga bodegang imbakan ng mga kontrabando.
“I think the BIR is also working hard to do the same thing. Nagse-seizure sila, mga warehouse naman ang kanilang pinapasok,” sambit pa ng Punong Ehekutibo.
