PROPAGANDA. Ganito ang paglalarawan ng mga militanteng magsasaka ang programang P20 kada kilong bigas ng administrasyon.
Sa pinag-isang pahayag, binatikos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Amihan National Federation of Peasant Women (ANFPW) ang kawalan ng sinseridad ng pamahalaan.
Bago pa man naglabas ng posisyon ang KMP at ANFPW, una nang sinuspinde ng Department of Agriculture ang programang naglalayong tugunan ang dusa ng mga maralitang mamamayan.
Ang dahilan — nalalapit na halalan.
Inaasahan naman itutuloy ang pagbebenta ng murang bigas sa Mayo 13 o pagkatapos ng eleksyon.
“Simula’t sapul, malinaw na propaganda at panloloko ang Bente Bigas Mo. Ang postponement nito ay pruweba na walang kakayahan at walang intensiyon ang gobyernong Marcos Jr. na ibaba talaga ang presyo ng bigas. Hindi ito solusyon, kundi panlilinlang habang patuloy ang pagkalam ng sikmura ng mamamayan,” giit ni Danilo Ramos na tumatayong tagapamuno ng ng KMP.
Saad pa ng farmers’ groups, tiyak na hindi magtatagumpay ang programa dahil sa Rice Liberalization Law, na nag-alis ng mga paghihigpit sa pag-aangkat ngunit nagpataw ng mga taripa sa bigas mula sa ibang bansa.
Panawagan ng KMP at ANFPW, ibasura ang batas at magpatupad ng tunay na repormang agraryo.
“Tama na ang panloloko. Ibalik ang suporta sa lokal na produksyon ng bigas, hindi importasyon,” giit ni Cathy Estavillo, secretary-general ng ANFPW.
