NILINAW ni Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary for Operations U-Nichols A. Manalo na walang kinalaman ang Kamara sa sinasabing mali o kaduda-dugang grid coordinates ng ilang farm-to-market roads (FMR) na nakapaloob sa panukalang 2027 national budget. Ayon kay Manalo, may pagkakamali sa naiulat sa nakaraang Senate budget hearing, partikular ang inilatag ng People’s Budget Coalition (PBC) President Ken Abante, na sablay umanong FMR projects. Paliwanag ng DA officials sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food, na pinamumunuan ni Quezon Rep. Mark Enverga, ang lahat ng 1,669 FMR projects na target ipatupad sa susunod na taon ay nakapaloob sa National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng Malacañang sa Kamara. Aniya, malinaw na hindi ang Kamara ang nagpasok ng mga sinisilip na FMR sa 2027 General Appropriations Bill (GAB), na tinatalakay sa Senado. Dagdag pa ni Manalo, ang walong FMR na nakitang kaduda-dudang ang coordinates ay bunga ng maling encoding at geotagging, kung saan may isa o dalawa na mali ang pagkaka-type ng numero. Inako naman ng DA ang pagkakamali, kasabay ng pagtitiyak na itatama ang mali at binigyan-diin na maling sisihin dito ang Kamara. Hiniling ni Enverga ang paliwanag mula sa DA officials tungkol sa nasabing pagkakamali bago pa man niya pasimulan ang pagpapatuloy ng House inquiry hinggil sa paghahanda ng pamahalaan sa matinding epekto ng El Niño. Samantala, sinabi ni Manalo na inutos na rin ni DA Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang pagsasagawa ng internal reviews sa project descriptions, supporting documents at validation procedures para malaman kung ano ang dahilan sa nasabing pagkakamali at masiguro ring hindi na ito mauulit. Malugod naman tinanggap ni Enverga ang pag-ako at mabilis na aksyon ng DA sa kinukuwestyong detalye ng FMR projects at nanawagan din siya na patuloy na tutukan ng ahensya ang pagbusisi at reporma upang matiyak na ang project information na isinumite para sa congressional consideration ay accurate at verifiable. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Bagong Chief Justice, ihahayag ni Marcos ngayong linggo Bukod sa sweldo, VP Duterte kumikita ng P1M kada taon?