TALIWAS sa mga nakalipas na panahon, hindi na kailangan pang magbilang ng taon bago maglabas ng kapasyahan ang Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng mga kaso ng diskwalipikasyon sa mga kandidatong lumabag sa Omnibus Election Code.
Sa isang kalatas, tiniyak ni Comelec chairman George Garcia na reresolbahin ng komisyon ang lahat ng petition for disqualification bago sumapit ang Hunyo 30 ng kasalukuyang taon.
Kabilang sa pagdedesisyunan ng poll body ang kapalaran ng hindi bababa sa 50 kandidatong sinampahan ng kaso kaugnay ng pagsuway sa patakaran sa pagkakabit at sukat ng mga campaign posters.
Paglilinaw ni Garcia, may takdang sukat at lugar kung saan pwede ikabit ang mga poster at iba pang campaign materials.
Gayunpaman, nilinaw ng Comelec chief na hindi saklaw ng kautusan ang mga private properties.
Samantala, may 20 kandidato rin ang patuloy na iniimbestigahan ng Comelec kaugnay ng vote-buying.
Garantiya ni Garcia, titimbangin ang petisyon batay sa mga merito at mga ebidensya.
“Dapat mabigat ang ebidensya at may merit ang kaso,” ani Garcia.
Inaasahan din ni Garcia na madadagdagan pa ang matatanggap nilang petition for disqualification sa araw ng eleksyon.
Sa ilalim ng mandato ng Comelec, pasok ang kapangyarihan suspindihin ang proklamasyon ng mga nanalong kandidato sa midterm elections kung may nakabinbin disqualification case.
