TAMA na, sobra na. Ito marahil ang nasa isip ng panganay na anak ni former House Speaker Pantaleon Alvarez matapos isiwalat ang umano’y paggamit ng pondo ng gobyerno para bilhan ng 20-ektaryang lupain kung saan nagpatayo rin ng dambuhalang mansyon ang kerida.
Sa isang viral video, partikular na tinukoy ni Alfonso Alvarez ang isang Jen Maliwanag na aniya’y lubos na ginagastusan ng amang kongresista gamit ang pondong nakalaan para sa nasasakupang distrito.
“Pinagawan niya ng mansion si Jen Maliwanag yung girlfriend niya dito sa Botanical. Ang nagpagawa noon si Cong. Naka-acquire siya ng parang 20 hectares na property dito tapos doon niya pinatayo yung mansion ni Jen. Ginawa talaga yan para kay Jen, yung girlfriend ni papa, ni Cong. Bebot,” wika ni Alfonso.
Hindi rin aniya basta-basta ang ginamit na materyales sa mansyon.
“Lahat ng mga Class A na magandang kahoy, materyales. Ang alam ko nga pinagmalaki pa ni Jen noon yung bintana raw parang imported pa galing somewhere, sa Thailand ba yun? Nakalimutan ko basta imported,” ani Alfonso.
Ginastusan din umano ng dating lider ng Kamara ang concrete perimeter wall sa palibot ng 20 ektaryang mansiyon. Sinemento rin aniya ang kalsada mula highway patungo sa mansyon.
Sa pagkakaalam umano niya ay pera iyon ng gobyerno dahil wala naman aniyang bigtime na negosyo ang kanyang ama para makapag patayo ng ganoon kalaking mansyon.
Paglilinaw ng batang Alvarez, wala silang kinalamang makakapatid sa “road to mansion” ng kanyang ama at hindi rin umano sila tumira roon dahil may kanya-kanya naman na silang bahay.
Bukod sa mala-paraisong mansyon sa tuktok ng burol, marami pang napundar na property ang kanyang ama sa Siargao at may mga beach din umano na nakapangalan sa dummy corporation.
Wala pang pahayag si Congressman Alvarez.
