HINDI na nasilayan ng tatlo katao ang bukang liwayway matapos araruhin ng isang 18-wheeler truck ang limang sasakyan sa kahabaan ng Batasan-San Mateo Road sa Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ng Quezon City Police District Traffic Management Unit (QCPD-TEU) na pinamumunuan ni Lt. Col. Geoffrey Lim, dakong alas 11:30 kamakalawa ng gabi nang mawalan ng preno ang truck na minamaneho ng isang alyas Eruel sa Batasan-San Mateo Road sa nabanggit na lungsod.
Hagip ng dashcam ng isang sasakyan ang bilis ng takbo ng truck na ayon sa 49-anyos na driver ay hindi na niya nagawa pang makontrol matapos biglang nawalan ng preno – hanggang sa araruhin ang tatlong motorsiklo, isang sedan at isang AUV.
Sapul din ang ilang pedestrian sa naturang insidente.
Ayon kay QCPD Officer in Charge Col. Randy Glenn Silvio, hagip din ang pagkalas kargang container van sa pagtagilid ng truck na tuluyang sumalpok sa poste.
Samantala, lumikha naman ng matinding pagbigat sa daloy ng trapiko ang humambalang na container van.
Sa isinagawang interogasyon ng pulisya, sinabi ng driver ng truck patungo sana sila sa Marikina para magdeliver ng kalakal mula sa lungsod ng Maynila. Isinisi naman ng suspek ang insidente sa palpak na pagkukumpuni ng killer truck.
“Sa stop light, palusong eh bigla humina preno… hanggang sa wala na, hindi ko na makontrol. Dire-diretso na kaya no choice ako kaya yung manibela kung saan-saan na ho lumiko,” wika ng truck driver na humingi ng tawad sa mga nadamay sa aksidente.
Nasa kustodiya na ng QCPD Traffic Sector 5 ang driver na sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries, at multiple damage to properties. (LILY REYES)
