KASABAY ng pag-amin ni Senador Ronald Dela Rosa sa likod ng umiikot na resolusyong naglalayong ibasura ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, may dalawa pang senador ang nagsusulong ipawalambisa ang napipintong pag-arangkada ng proseso.
Sa isang panayam, una nang inamin ni Dela Rosa na galing sa kanyang tanggapan ang sipi ng “draft resolution” na pinapaikot umano ng legislative staff ng senador na higit na kilala bilang kaalyado ng bise-president.
“Galing yon sa office ko. Basahin niyo na lang reso. You’ll understand everything. That’s very self-explanatory. Mabasa niyo dun ano sinasabi ko, ano saloobin ko,” wika ni Dela Rosa.
“Basahin niyo yung whereas, whereas. Andon lang lahat. Intindihin na lang niyo,” dagdag pa niya.
Ayon kay Dela Rosa, binalangkas ang naturang resolusyon matapos kumonsulta sa mga dalubhasa sa larangan ng umiiral na batas.
“Pinabasa ko sa kanila yung draft Yung iba meron nang ibang draft. Isang kasama namin may ibang draft, so siguro incorporate yun kung anumang magaganda provision sa kanilang draft para mapaganda yung final version at magiging acceptable sa lahat,” dugtong ng mambabatas.
“So far nakita ko tatlo yun eh. Tatlong draft yon. Di ko lang masabi kanino galing. Input input lang,”aniya pa.
Nakatakda naman aniyang ihain sa senado ang naturang resolusyon sa susunod ng linggo.
“Meron pang gusto mag-input. Kung hindi ngayon, possible next week. Ngayon sana kung matapos na mga iniinput nila na magagandang laman.”
“Whether or not makakuha ako ng suporta ng majority, I am confident that I will make a stand as far as this issue is concerned. Once it is submitted, then it will be taken up on the floor,” pagtatapos ni Dela Rosa.
