HINDI na nagsayang pa ng oras ang Kamara sa kondisyones na inilatag ng Senado bago simulan ang pagbasa ng sakdal laban kay Vice President Sara Duterte na nahaharap sa impeachment complaint kaugnay ng umano’y paglustay sa pondo ng gobyerno.
Partikular na tinukoy ng Kamara ang pinagtibay na resolusyon ang pagsusumite ng sertipikasyon sa pagsunod sa 1987 Constitution ang pag-apruba sa Articles of Impeachment laban kay Duterte.
Araw ng Martes (Hunyo 10) nang pulungin ang senado bilang impeachment court. Sa naturang pagtitipon, inaprubahan ang resolusyong nagbabalik ng Articles of Impeachment sa Kamara dahil sa umano’y “constitutional infirmities.”
Inatasan din ng impeachment court ang Kamara ng 20th Congress na makipag-ugnayan sa Senado para muling ipabatid ang interes sa impeachment trial sa bise-presidente.
Gayunpaman, nagpahayag ng agam-agam si Batangas Rep. Gerville Luistro na kabilang sa House prosecution team, lalo pa’t hindi naman aniya pormal na nagisimula ang termino ng mga kongresista para sa 20th Congress.
Samantala, kinastigo ng Palasyo ang desisyon ng senado na ibalik sa Kamara ang Articles of Impeachment laban sa pangalawang pangulo, kasabay ng giit na hindi angkop na paglaruan ang isang demokratikong proseso.
