ISANG mataas na opisyal ng Bureau of Immigration (BI) ang tumatayong padrino ng mga Chinese nationals na nasa likod ng illegal POGO sa bansa.
Sa dokumentong nakalap ng mga mamamahayag, isang Gilbert Repizo na napag-alamang chairman ng BI Board of Special Inquiry (BSI), ang lumagda sa rekomendasyon para makalaya si Tony Yang na nahaharap sa mga kaso kaugnay ng iligal na operasyon mga scam farm na sadyang ikinubli sa likod ng illegal POGO operation.
Kapatid ng nakakulong na Chinese national si dating presidential economic adviser Michael Yang na pinaniniwalaang sangkot naman sa pagpupuslit ng droga sa Pilipinas.
Samantala, iwas-pusoy naman si Immigration Commissioner Joel Anthony Viado. Katunayan aniya, siya mismo ang humarang sa tangkang pagpapalaya kay Tony Yang.
Ayon kay Viado, wala siya sa bansa nang ipasok ang resolusyon para payagan mag piyansa si Yang – bagay na agad naman niya umano ibinasura pagbalik sa Pilipinas.
Sa BSI karaniwang pumapasok ang mga sensitibo at komplikadong kaso sa loob ng ahensya. Gayunpaman, tanging ang Immigration Commissioner lang ang pwede magpasya kung palalayain o hindi ang isang detenido.
“Totoong tinanggihan ko ang pakiusap na palayain si Yang sa piyansa. Mananatili siyang nakakulong,” giit ni Viado.
Bago pa man sumingaw ang kontrobersiya hinggil sa padrino ni Yang, kinalampag ni Repizo si Viado noong Mayo kaugnay ng umano’y katiwalian sa visa extension.
