WALANG puwang sa Philippine National Police (PNP) ang mga patulog-tulog, ayon kay PNP Chief Gen. Nicolas Torre lll, kasabay ng kumpirmasyon hinggil sa napipintong pagsibak sa tatlong provincial police directors na sumablay sa limang minutong pagtugon sa tawag ng saklolo.
Gayunpaman, tumanggi si Torre magbigay ng karagdagang detalye sa pagkakakilanlan ng mga tatanggalin sa pwesto. Ang tanging impormasyong ibinahagi ng hepe ng pambansang pulisya ay ang rehiyon na kinabibilangan ng mga sisibakin — Western at Central Visayas.
Una nang sinibak ni Torre ang mga hepe ng lokal na pulisya sa walong lungsod na sakop ng Metro Manila.
Paglilinaw ni Torre, walang “exempted” sa umiiral na polisiya, kasabay ng giit na hindi siya magdadalawang-isip palitan ang mga nakaupo sa regional level.
Sa kabila ng mahigpit na implementasyon sa “five-minute response time,” tiniyak ni Torre paiiralin ang “due process.” Katunayan aniya, pasok sa umiiral na polisiya ang kunin ang panig ng mga sinibak na hepe ng pulisya.
Magugunitang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang mabilis na responde ng mga pulis sa mga tawag sa 911-hotline sa hangaring tiyakin ang kaayusan at kaligtasan ng mga mamamayan. (EDWIN MORENO)
