KINONDENA ng Philippine Coast Guard (PCG) ang panibagong insidente ng pambabarako ng China Coast Guard (CCG) sa dalawang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) malapit sa Bajo de Masinloc, Zambales.
Nagsasagawa ng resupply mission sa mga mangingisdang Pinoy malapit sa Scarborough Shoal noong Hunyo 20, 2025 ang mga barkong BRP Datu Tamblot at BRP Datu Taradapit ng BFAR nang bigla umano binomba ng tubig ng mga CCG vessels na may numerong 4203 at 3105, ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela sa Saturday News Forum sa Quezon City.
Naganap aniya ang insidente sa layong 15.6 hanggang 18.1 nautical miles mula sa Bajo de Masinloc, na bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Una nang sinabi ng CCG na lumabag umano ang Pilipinas sa soberenya ng Tsina kaya binomba nito ang naturang mga barko. Giit ni Tarriela, “I don’t know the law that gives the authority for the Chinese government to claim sovereignty over these waters. I would like to inform you that this is outside the territorial sea of Bajo de Masinloc and this falls within our own exclusive economic zone. Basically, it’s only around 106 to 110 nautical miles from the coastline of Zambales.” (Hindi ko alam kung anong batas ang nagbigay ng otoridad sa Chinese government na ituring na kanila ang katubigang ito. Nais kong ipabatid na ito ay nasa labas ng karagatan ng Bajo de Masinloc at nasa loob ng ating exclusive economic zone. Nasa layo lang ito na 106 hanggang 110 nautical miles mula sa pampang ng Zambales.)
Sinabi pa ng PCG official na may karapatan ang mga Pilipino at mga sasakyang pandagat ng Pilipinas na maglayag at mangisda sa naturang lugar, base sa Philippine Maritime Zones Act, United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at sa 2016 Arbitral Award na pumabor sa Pilipinas.
Ayon pa kay Tarriela, ang aksyon ng CCG ay naglagay sa panganib sa buhay ng mga personnel ng mga barko ng BFAR at nakaapekto sa mga mangingisdang Pinoy na umaasa sa resupply mission. Sa kabila ng insidente ay tuloy pa rin aniya ang resupply misyon ng BFAR. “As we speak right now, the BFAR vessels are already on their way to Sual, Pangasinan and some areas in the West Philippine Sea.” (Habang nag-uusap tayo ngayon ay patungo ang mga sasakyan ng BFAR sa Sual, Pangasinan at ilang lugar sa WPS.) (Reggie Vizmanos)
