HiINDI dapat mag-panic sa kabila ng nagpapatuloy na labanan ng Israel at Iran at pagdeklara ng pamahalaan ng Pilipinas ng Alert Level 3 dahil sa sitwasyon, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Saad ni DFA Undersecretary for Migration Affairs Eduardo De Vega sa Saturday News Forum sa Quezon City, “Israel is not a place that you can’t live in. If there are no missiles, there are offices, there are restaurants. Also Iran. Tehran is being attacked, but Iran is very big. It’s not like you can’t live in Iran. Of course, it’s unpleasant right now with the Israeli attacks.” (Ang Israel ay hindi isang lugar na hindi ka na pwedeng manirahan. Kapag wala namang missles, ay mayroong mga opisina, mayroong mga restoran. Ganun din sa Iran. Inaatake ang Tehran (capital city), pero napakalaki naman ng Iran. Pwede pa ring manirahan sa Iran, bagama’t hindi ito kaaya-aya sa ngayon dahil sa pag-atake ng Israel).
Sinabi naman ni DFA Assistant Secretary Robert Ferrer na nagkaroon ng pag-panic at matinding pag-aalala dahil sa misinformation.
“There had been a lot of misinformation going on and it’s in Manila, not Tel Aviv. If you ask most of the Filipinos in Tel Aviv, they are calm, they don’t want to go home, they believe in the Israeli system to protect them, to take care of them.” (May mga naging misinformation, at ito ay dito sa Manila, hind sa Tel Aviv. Kung tatanungin ninyo ang karamihan ng mga Pilipino sa Tel Aviv, kalmado sila, hindi nila nais na umuwi, naniniwala sila sa sistema ng Israel na poprotektahan at pangangalagaan sila).
Binasa rin ni Ferrer ang mensahe ni Philippine Ambassador to Israel Aileen Mendiola kung saan ay sinabi ng envoy na bagamat may mga panganib ay nananatiling umaandar at available ang mga essential services at mga opisina sa naturang bansa.
“Walang patid ang internet, telepono, at ibang utilities. Panatag at mahinahon naman ang mga mamamayan ng Israel kabilang ang mga Pilipino, natutugunan din nang mabilis ang mga nasalanta at nangangailangan ng tulong. Bukas ang mga mall, restaurant, at mga park,” aniya.
In-adjust din aniya ng Israeli Defense Forces ang security guidelines kung saan mula sa “essential only” ay niluwagan ito sa “limited activities.” Nitong nagdaang Biyernes, Hunyo 20, ay inanunsyo ng DFA ang Alert Level 3, na may kaakibat na paghikayat sa mga Pinoy na sumailalim sa voluntary evacuation o repatriation, o kusang-loob na pag-uwi sa Pilipinas upang makaiwas sa sigalot sa naturang mga bansa. Base sa datos ay mayroong 30,000 Pinoy sa Israel, habang mayroon namang 1,200 sa Iran.
Karamihan umano sa mga Pinoy sa Iran ay asawa ng mga Iranian citizens at mayroon lang iilang overseas workers. Ipinaliwanag naman ni De Vega na ang Alert Level 3 ay bahagi lang ng contingency measures laluna kung sakaling lalala pa ang sitwasyon.
Hindi pa aniya inirekomenda ang pagdeklara ng Alert Level 4 na mangangahulugan ng mandatory evacuation/repatriation dahil ito ay ginagamit lang kapag talagang hindi na pwedeng manatili sa lugar ng sigalot.
“Ang mandatory evacuation, in Alert Level 4, is used for warzones meaning untenable situations. No Filipino should be in that place because you cannot live there,” sabi ni De Vega (Ang mandatory evacuation, sa Alert Level 4, ay para lang sa warzones o lugar ng bakbakan at nangangahulugang hindi na akma sa paninirahan ang lugar at wala na dapat Pilipinong mananatili roon). Sa ngayon aniya ay mayroong 191 na mga Pinoy na nagsabing gusto na nilang umalis sa Israel.
Tiniyak din nina De Vega at Ferrer na maayos ang kalagayan ng mga Pinoy sa Israel at Iran at nananatiling nakabukas at nagseserbisyo ang mga embahada ng Pilipinas sa naturang mga bansa sa pamumuno nina Ambassador Aileen Mendiola at Ambassador Robert Manalo. (Reggie Vizmanos)
