TAMA ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa desisyon huwag makialam sa usapin ng pag-impeach kay Vice President Sara Duterte.
Ang dahilan — hindi saklaw ng ehekutibo ang naturang usapin bagkus ay responsibilidad lamang ng Kongreso batay na rin sa mga nakasaad na probisyon sa 1987 Constitution.
Ito binigyang-diin ni House prosecution panel member at Manila 3rd Dist. Rep. Joel Chua bilang sagot na rin sa tanong kung ano ang kanyang pananaw sa sinabi ng Chief Executive hinggil sa kinakaharap na impeachment charges ng bise-presidente.
“Ang impeachment po ay constitutional duty ng Senado at ng Kamara. Hindi po dito saklaw ang Ehekutibo. So, tama po ang ating Presidente. Ito po ay constitutional duty ng dalawang Congress — yung House at upper chamber which is the Senate,” ayon pa sa kongresistang chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability.
Kamakailan ay sinabi ni Pangulong Marcos na wala siyang balak na manghimasok sa usapin ng impeachment proceedings laban kay Duterte dahil mas marami pa umano siyang mga gawain o tungkulin ng dapat gampanan bilang pinuno ng executive branch.
Ani Chua, ang naturang posisyon ni Marcos ay naaayon lamang bilang chief executive at dapat respetuhin.
“Siguro sa akin pong pananaw, mas maganda na hayaan na lang po natin yung Palasyo na gampanan nila ang kanilang tungkulin bilang Punong Ehekutibo dahil marami rin pong dapat na tutukan ang ating Pangulo,” dagdag pa ng ranking House official.
Giit din niya, sa kasalukuyang usapin ng impeachment proceeding laban sa bise-president, mas mabuting manatiling neutral ang Malakanyang sa halip na magbigay ng anumang suporta sa panig man ng prosekusyon o depensa. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
