NAPAPANAHON nang tugunan ng pamahalaan ang sabwatan sa pagitan ng mga tiwaling kawani ng pamahalaan at mga dayuhang gumagamit ng pera para makakuha ng Filipino citizenship.
Sa panukalang Philippine Civil Registration and Vital Statistics Act, partikular na isinusulong ni Senador Sherwin Gatchalian ang isang bagong sistema ng civil registration and vital statistics (CRVS).
“Gusto natin ng bagong CRVS system para wala nang sumulpot na isa na namang Alice Guo, yung nagpapanggap na Pilipino at gustong makapasok sa gobyerno para manloko,”wika ni Gatchalian.
Kamakailan lang, naglabas ng desisyon ang korte na sinasabing walang dudang Chinese national ang dating alkalde ng Bamban, Tarlac.
Layon aniya ng Philippine Civil Registration and Vital Statistics Act magpatupad ng isang simple pero modernong sistema ng pagpaparehistro na tutukoy ng pinakatumpak na pagkakakilanlan ng isang indibidwal para sa layuning administratibo at legal.
Sa ilalim ng panukala ni Gatchalian, papatawan ng mas mabigat na parusa para sa pamemeke ng mga dokumento ng civil registry, pagsumite ng maling impormasyon sa civil registration, at pagpapadali ng paghahanda ng mga dokumento ng civil registry na naglalaman ng mapanlinlang na impormasyon.
Batay sa datos ng PSA noong Nobyembre 2024, nasa 1,627 kahina-hinalang birth certificates na may kaugnayan sa mga dayuhan ang hinarang ng ahensya. Nasa 18 sa naturang bilang ang inindorso na sa Office of the Solicitor General para sa kanselasyon. (ESTONG REYES)
