SA gitna ng dumadaming bilang ng mga Pinoy na nalulong sa sugal, naghain ng isang panukalang batas si Senador Risa Hontiveros sa Senado upang mahigpit na ipagbawal sa online gambling na gamitin ang e-wallet tulad ng G-Cash, Paymaya at iba pang digital fund transfer.
Sa isang pahayag, kumpyansa si Hontiveros na matutugunan ng pamahalaan ang dumadagundong na panawagan para sa pagtatakda ng mas mahigpit na regulasyon sa lahat ng uri ng online gambling.
“Phones are not casinos. Naging masyadong madali ang malulong sa sugal dahil napaka-accessible nito sa mga e-wallets at super apps,” wika ng senador.
“Napakarami sa ating mga kababayan ang nabaon sa patong-patong na utang dahil sa e-sugal na lalong pinadali ng mga e-wallets. Para sa iba, buhay ang naging kapalit, dahil isang pindot lang ang kailangan,” dagdag pa niya.
Bukod sa pagbabawal ng online games na makapaglaro sa pamamagitan ng e-wallet at super apps, isinusulong rin ni Hontiveros na ipagbawal ang kabataang edad 21 anyos pababa sa lahat ng uri ng online gambling platforms, gayundin ang mga paid advertisements ng online gambling sa lahat ng public spaces, tri-media, at social media.
“Tuldukan na rin natin ang sangkaterbang billboards, commercials, at social media ads na nanghihikayat na magsugal. Para na itong panghihikayat na malugmok ang ating mga kababayan. Wala na dapat ineenganyo ang bisyong ito,” ani Hontiveros.
Inaatasan din ng panukala ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na magtakda ng araw, lingguhan at buwanang betting at loss limits na magsisilbing hudyat sa suspensyon ng gaming accounts sa pinakamababang 30 araw.
“Dahil walang limitasyon ngayon sa pagsusugal, ang nangyayari tuloy ay unli-sugal na madalas humanatong sa unli-lustay. Unli-utang at unli-problema din ang hatid nito sa ating mga kababayan, kaya dapat bigyan ng hangganan ang paggasta,” bulalas ni Hontiveros.
Layunin din ng panukala na magtakda ng 10% buwis sa lahat ng gross online gambling revenues na gagamitin sa pagpapagamot at rehabilitasyon ng gambling addiction, public education campaigns laban gambling, monitoring at enforcement programs, at research and policy evaluation.
“Tulungan natin makabangon ang mga kababayan nating nalulong sa sugal at siguraduhin nating wala nang iba pa ang malululong dito. One life lost to gambling is one too many.”
“I hope that my colleagues in the Senate will unite against the scourge of online gambling and heed the call of the public to tighten its regulations,” pagtatapos ng senador.
Samantala, kasado na rin sa Mababang Kapulungan ang counterpart measure nina Akbayan Reps. Chel Diokno, Perci Cendaña, at Dadah Kiram Ismula, at Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao. (ESTONG REYES)
