IPINANGAKO ni Senador Win Gatchalian na pananagutin ang mga abusadong online lending companies sa bisa ng inihaing Fair Debt Collection Practices Act.
“Hindi makatao ang paniningil nang may pananakot at pang-aabuso, lalo na sa mga mahihirap nating kababayan na kapit sa patalim kaya nangungutang,” pahayag ni Gatchalian.
Halimbawa na lang ang kaso ng isang residente ng Valenzuela City na piniling wakasan ang buhay dahil sa patuloy na panliligalig at pagbabanta sa kanya at sa kanyang pamilya ng isang online lending app (OLA).
“Isang click lang sa app, pwede ka nang magkapera… bagamat karapatan ng mga OLA maningil ng utang, hindi dapat humantong sa pang-aabuso o, mas malala, sa pagkawala ng buhay.”
Ang panukalang batas na Fair Debt Collection Practices Act ay nagbabawal sa mga nagpapautang na gumawa ng anumang pangha-harass, panggugulo, o pang-aabuso sa mga nangungutang sa tuwing maniningil.
Kasama sa mga tahasang ipagbabawal ng panukalang batas ang paggamit ng pagbabanta ng karahasan, malaswa o bastos na pananalita, at ang paglalagay sa kahihiyan sa mga pumalyang may utang.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang lahat ng lalabag ay haharap sa mga parusang administratibo, kabilang ang multang aabot sa P60,000. (ESTONG REYES)
