PUSPUSAN ang isinasagawang search and rescue operation sa isang foreman na nalibing ng buhay matapos ang pagguho ng lupa sa isang construction site sa bayan ng San Ricardo sa lalawigan ng Southern Leyte.
Sa ulat ng Eastern Visayas Police Regional Office sa punong himpilan ng pambansang pulisya, nangyari ang insidente sa Barangay San Ramon dakong alas 5:55 ng umaga.
Batay sa paunang impormasyon na ibinahagi ng mga manggagawa sa naturang lugar, mabigat na buhos ng ulan sa loob ng 10 oras — mula alas 5:00 Sabado ng hapon hanggang alas 3:00 ng umaga kinabukasan — ang posibleng sanhi ng pagguho ng lupa.
Kinilala ang nawawalang lalaki sa pangalang Dador Moscosa, 54-anyos, foreman ng 888 ACY Construction Corp.
Kwento ng mga saksi, natutulog umano si Moscosa sa barracks nang tangayin ng rumaragasang tubig mula sa landslide.
Samantala, agad na ipinag-utos ng lokal na pamahalaan ang agarang paglikas ng mga residente sa naturg lugar. (EDWIN MORENO)
