USAP-USAPAN sa Palasyo ang napipintong pagwawakas ng online gambling sa bisa ng isang Executive Order na umano’y planong ihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 28.
Gayunpaman, tumanggi ang Palasyo kumpirmahin ang posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, patuloy pang pinag-aaralan ng Pangulo ang mungkahing total ban sa lahat ng uri ng online gambling sa bansa.
Tikom din ang bibig ni Bersamin nang tanungin kung bahagi ng talumpati ni Marcos sa SONA ang pagbabawal sa online gambling.
Hulyo ng nakalipas na taon nang ihayag ni Marcos ang total ban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
“Well, the policy remains the same. Online gaming whether it’s gaming or gambling, the President is very strong about POGOs. Banned na yan. So that was a year ago when he announced the ban,” ani Bersamin.
Kabilang aniya sa silisilip ng Pangulo ang iba pang anyo ng online gaming na hindi konektado sa mga scam o panloloko sa internet.
“We are still looking into it because we have to see all the ramifications that gaming of that method may be allowed to operate.” (LOUIE LEGARDA)
