SA gitna ng agam-agam kaugnay nakaambang trahedyang dala ng tinaguriang “The Big One” at iba pang kalamidad, isang panukalang batas ang inihain sa senado sa hangaring amyendahan ang National Building Code.
Sa Senate Bill 666 na inihain kamakailan, partikular na isinusulong ni Senador Bong Go ang modernisasyon ng Philippine Building Code para tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan.
Para kay Go, napapanahon nang amyendahan ang Presidential Decree No. 1096 na mas kilala sa tawag na National Building Code of the Philippines.
Bahagi ng panukala ni Go ang mga regulasyon sa aspeto ng pagpaplano, disenyo, at pagpapatayo ng mga gusali at iba pang imprastraktura. Pasok din sa dapat aniyang i-akma sa makabagong panahon ang tinatawag na “occupancy” at “maintenance” sa lahat ng gusali sa bawat sulok ng bansa.
Giit ni Go, higit na angkop na naaayon sa panahon ang National Building Code higit lalo’t malimit ang lindol, bagyo, sunog, at pagputok ng bulkan sa Pilipinas na kabilang sa mga bansang malapit sa Pacific Ring of Fire.
“Weak infrastructure has been a major obstacle to the creation of safe and resilient communities in the Philippines,” ani Go kasabay ng giit para sa implementasyon ng mas mataas na pamanatayan sa pagtatayo ng gusali, pabahay, tulay at iba pang imprastraktura.
Pag-amin ni Go, walang batas na makakapigil sa latay ng kalikasan. Gayunpaman, nilinaw ng mambabatas na may mga paraan para masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan.
“Sa aking mga gawain sa Senado ay prayoridad ko ang buhay, kaligtasan at kalusugan ng ating mga kapwa Pilipino. Nais natin maamyendahan ang National Building Code of the Philippines, at matiyak na ang lahat ng itatayong pampubliko at pampribadong gusali at istruktura sa ating bansa ay matitibay laban sa natural and man-made calamities.”
Taong 1977 nang ganap na maging batas ang National Building Code.
“Ang ating building code ay naisabatas noon pang 1977, panahon na pag-aralan natin ito at tingnan mabuti kung naaayon pa ba ito sa kasalukuyang panahon, at kung nasusunod pa ba,” pahabol ni Go. (FJA)
