WALANG magaganap na pagdinig ang Senate impeachment court matapos maglabas ng desisyon ang Korte Suprema — “unconstitutional” ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Partikular na tinukoy ni Aty. Camille Ting na tumatayong tagapagsalita ng Korte Suprema, ang paglabag ng Kamara sa “one-year ban rule.”
“The SC has ruled that the House impeachment complaint versus VP Sara Duterte is barred by the one-year rule and that due process or fairness applies in all stages of the impeachment process,” pahayag ni Ting sa isang pulong-balitaan.
Gayunpaman, nilinaw ni Ting na hindi inaabswelto ng Korte Suprema si Duterte sa alinman paratang na nakasaad sa reklamo.
“The Senate did not acquire jurisdiction over the impeachment proceedings. However, the Court said it is not absolving Vice President Duterte from any of the charges against her,” ani Ting.
Ayon kay Ting, pwede pa naman umanong maghain ng panibagong impeachment complaint laban sa bise presidente simula Pebrero 6, 2026.
Ang reklamong impeachment laban kay VP Sara ay nag-ugat sa umano’y maling paggamit ng pondo ng bayan at sa umano’y pagbabanta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos at iba pang mga opisyal ng pamahalaan.
Sa datos ng Korte Suprema, 13 mahistrado ang nanindigan na labag sa konstitusyon ang inihaing reklamo kay VP Sara. Nag-inhibit naman si Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa, habang nasa bakasyon naman si Associate Justice Maria Filomena Singh.
