MALAKAS na buhos ng ulan bunsod ng bagyong Maymay ang nakikitang dahilan sa biglang pagguho ng lupa na ikinamatay ng dalawang kusinero sa bayan ng La Trinidad, sa lalawigan ng Benguet.
Sa ulat na lokal na pulisya, partikular na natabunan ng pinaghalong putik at bato ang isang karinderya sa Barangay Shilan kung saan nagtatrabaho ang mga nasawing biktima bilang kusinero.
Samantala, nakaligtas sa kamatayan naman ang isa pa nilang kasama.
Ayon sa mga saksi, walang humpay nabuhos ng ulan sa nakalipas na tatlong araw ang dahilan sa paglambot ng lupa sa kabundukan.
Batay sa pinakahuling ulat ng weather bureau, huling namataan ang bagyong Maymay sa bandang Tanudan, Kalinga.
