BISTADO sa pamahalaang lungsod ng Maynila ang operasyon ng isang ilegal na operasyon ng punerarya kung saan bumulaga ang santambak na bangkay na nakasalansan lang sa isang silid ng naturang establisyemento.
Sa isang kalatas, agad na pinasara ni Manila Mayor Isko Moreno ang Body and Light Funeral sa kahabaan ng Avenida Avenue sa Sta. Cruz, Maynila.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Manila Health Department, lumalabas na isang pulis umano ang nagbibigay-proteksyon sa puneraryang nag-iimbak at nag-eembalsamo ng mga bangkay. Sampung bangkay na pinagpatong-patong sa isang bodega ang inbutan ng awtoridad.
Paglilinaw ni Moreno, isinagawa ang operasyon na ikinasa ng pinagsanib na pwersa ng Manila Health Department, Bureau of Permits, Manila Social Welfare Department, at Manila Police District, matapos dagsain ng reklamo ng mga residente ang kanyang tanggapan bunsod ng umano’y umaalingasaw na amoy mula sa nasabing establisyemento.
Sa gitna ng operasyon, dalawang paslit ang nasagip. ng mga kawani ng pamahalaang lungsod.
Ayon sa Manila Health Department, walang freezer para sa mga bangkay ang Body and Light Funeral Parlor, na anang mayor ay dati nang inireklamo ng mga Manilenyo dahil sa panggigipit sa mga namatayan.
Kabilang sa mga paglabag ng naturang esrablisyemento ang kawalan ng license to operate at business permit. Labag din aniya sa zoning code ang kinalalagyan ng punerarya.
Samantala, sinagot ng lokal na pamahalaan ang paglalagak ng mga natagpuang bangkay sa freezer ng Sanctuary Funeral gayundin ang pagpapalibing sa mga labi. (ITOH SON)
