PARA sa pamunuan ng Kamara, kapuri-puri ang desisyon ng Department of Education (DepEd) na itaas ang Teachers’ Salary Subsidy (TSS) para sa mga kwalipikadong guro sa pribadong paaralan.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, ang isinusulong na subsidiya para sa mga guro mula sa pribadong paaralan ay tugma sa patuloy na repormang pinapatupad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para itaas ang kalidad ng edukasyon para sa mga Pilipino.
Ang nasabing pagtaas ay hindi lamang aniya nagbibigay ng kinakailangang tulong-pinansyal sa mga guro sa pribadong paaralan, kundi higit din nagpapalakas sa adbokasiya ng Pangulo na itaguyod ang isang inklusibo, patas, at dekalidad na sistemang pang-edukasyon para sa lahat.
“This increase in the annual TSS is a clear reflection of the President’s commitment to raise the quality of education in the country by improving the welfare of our educators,” pahayag ng House Speaker.
“Our private school teachers are vital partners in nation-building and in addressing overcrowding in public schools. Supporting them through a salary subsidy hike means supporting better learning outcomes for our students,” dagdag niya.
Noong nakaraang linggo, inanunsyo ng DepEd na itataas ang P18,000 TSS sa P24,000 sa para sa school year 2025–2026.
Inaprubahan ng State Assistance Council ang pagtaas ng TSS sa bisa ng isang ad referendum resolution. Makikinabang dito ang mga guro sa mga pribadong paaralan na kabilang sa Education Service Contracting (ESC) program, na bahagi ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE).
Ito’y matapos ang ikaapat na State of the Nation Address ni Pangulong Marcos kung saan muling iginiit niya ang pangangailangang magpatupad ng mga reporma para sa kapakanan ng mga guro, mas malaking suporta sa mga mag-aaral, at mas makabago at inklusibong edukasyon.
“We are grateful to the Department of Education, under Secretary Sonny Angara, for acting swiftly on the President’s instructions. The increase in the TSS is not just a financial adjustment—it is a step forward in ensuring that no teacher is left behind in our efforts to deliver quality education for all,” ani Speaker Romualdez.
Ang TSS ay ibinibigay sa mga guro sa pribadong paaralan na nagtuturo ng hindi bababa sa tatlong oras kada linggo sa mga estudyanteng benepisyaryo ng ESC. Nakakatulong sila na mabawasan ang siksikan sa mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng pagbibigay ng alternatibong lugar para sa pag-aaral ng mga estudyanteng mula sa mahihirap na pamilya.
Binanggit din ni Romualdez ang resulta ng isang 2023 survey na nagpapakita na higit 60% ng mga guro sa pribadong paaralan ay kumikita ng mas mababa sa ₱27,000 kada buwan—na siyang entry-level salary para sa mga guro sa pampublikong paaralan.
“The government must bridge this inequality to ensure that all teachers, regardless of sector, are recognized and supported in their crucial role of shaping the nation’s future,” paliwanag ng lider ng Kamara.
Muling iginiit ni Romualdez ang kanyang suporta sa mga reporma sa edukasyon ni Pangulong Marcos at nangakong makikipagtulungan sa mga kapwa mambabatas sa Ika-20 Kongreso para maisulong ang mga batas na magpapalakas sa edukasyon sa bansa.
“As we build a Bagong Pilipinas, we must continue to invest in our educators and learners. Education is the foundation of long-term growth, and every improvement we make today in support of our teachers is an investment in a brighter future for all Filipinos,” ayon pa sa pahayag ni Romualdez. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
