PARA kay Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui Jr., hindi magtatagumpay ang ahensya kung hindi sa husay at sigasig ng mga kawani ng BIR.
Partikular na tinukoy na Lumagui ang “record-breaking tax collection” ng ahensya, gayundin ang bagong mukha ng serbisyo publiko sa tulong ng mga empleyado ng gobyerno.
“What we’re really celebrating is not just 121 years of service — but the people who have given this Bureau its strength, day in and day out,” ang pahayag ni Lumagui kasabay ng pagdiriwang ng 121st Founding Anniversary.
“Sa loob ng 121 taon, patuloy ang BIR sa pagharap sa hamon ng pagbabago, mas mataas na koleksyon, mas mahusay na serbisyo, at mas matatag na tiwala ng publiko,” dagdag pa ni Lumagui.
Sa naturang pagdiriwang, binigyang pugay ni Lumagui ang mga empleyado ng BIR na aniya’y bahagi sa pagpapaunlad ng bansa partikular ang pag-abot sa kanilang revenue target sa likod nang tamang pagpapatupad ng kanilang tungkulin sa taumbayan.
“Ang Bagong BIR ay hindi lang tungkol sa target. Ito’y tungkol sa karangalan sa serbisyo at sa paninindigan maglingkod ng tama, araw-araw. Maraming salamat sa mga lingkod-bayan ng BIR!,” sambit pa ng bihasang tax collection lawyer.
Sa naturang okasyon, binigyang-pagkilala ni Lumagui ang BIR personnel na tinawag niyang haligi sa pagsusulong ng mga mahahalagang reporma — “…pinarangalan natin ang mga lingkod-bayan na patuloy na nagsisilbing haligi ng ahensya, tahimik na kumikilos, ngunit buong puso at may integridad sa pagtupad ng tungkulin.”
Sa panig ni Finance Secretary Ralph Recto, pinuri ng Kalihim ang masugid na trabaho ng BIR sa malaking papel ng ahensya para mabigyang katuparan ng pamahalaan ang pangakong mabuting serbisyo sa mamamayang Pilipino.
“I stand proudly with you. Without your thankless and tireless labor, the government will not be able to redeem its promises to the people, and the nation will not be able to realize its dreams,” saad ni Recto sa kanyang anniversary message.
Ani Secretary Recto, ang lahat ng programa at serbisyo ng gobyerno mula sa edukasyon, healthcare, infrastructure development at disaster response ay napopondohan mula sa buwis na kinokolekta ng BIR.
“Kaya’t taus-puso ang aming pasasalamat sa inyong lahat, sa bawat oras at patak ng pawis na inyong inaalay upang ang bansa natin ay patuloy na umusad. Sa bawat pisong inyong nalilikom, nakaukit ang pag-asa at pangarap ng sambayanang Pilipino,” aniya pa.
Kinilala ni Recto ang naitalang malakas na tax collection growth sa mga nakalipas na ito kabilang ang 13.29% increase noong 2024 sa nakolektang P2.852 trillion. Sa unang bahagi naman ng 2025, ang tax collections ay tumaas pa ng 14.11% matapos maitala ang P1.55 trillion koleksyon mula January to June ngayong taon.
Nabatid din na ang BIR ay mayroong P8.6 billion per day collections, na malaking tulong para sa national government na daily spending requirement na P17.4 billion.
