HINDI kailanman sasapat ang buffer stock ng pamahalaan dahil sa loob mismo ng National Food Authority (NFA) santambak ang kawatan.
Ito ang buod sa likod ng ipinataw na suspensyon ng pamunuan ng NFA sa hindi bababa sa 25 opisyales at kawaning pinaniniwalaang sangkot sa irregularidad sa imbentaryo ng bigas sa isinagawang internal audit.
Partikular na tinukoy ni NFA Administrator Larry Lacson ang umano’y nawawalang supply ng bigas sa mga imbakan.
Bagamat hindi pinangalanan, kabilang aniya sa mga sinuspinde ang mga branch manager, assistant branch manager, warehouse supervisor at staff mula sa iba’t ibang rehiyon tulad ng Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol at Western Visayas.
Inisyuhan din show cause order ang 54 empleyado. Sa naturang bilang 32 umano ang may kasong administratibo, habang anim naman ang pakay ng isinasagawang imbestigasyon.
Garantiya ng NFA chief, kasong kriminal ang ihahain ng ahensya sa sandaling makumpleto ang mga ebidensya.
