NI LOUIE LEGARDA
Usap-usapan sa Palasyo ang napipintong balasahan sa pamunuan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) bunsod ng mga nabistong ghost infrastructure projects.
Numero uno sa talaan ng mga umano’y sisibakin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si DPWH Secretary Manuel Bonoan.
Samantala, kinumpirma naman ng isang impormante ng Saksi Pinas sa loob ng Palasyo na inalok na ni Marcos ang posisyon ni Bonoan kay former DPWH Secretary Rogelio Singson
Sa panahon ng panunungkulan ni Singson bilang Kalihim, kapansin-pansin ang lawak ng mga flood control projects gamit ang maliit na pondong pilit pinagkakasya.
Base sa datos na nakalap ng Saksi Pinas, nasa P64 bilyon lang ang pondo ng kagawaran para sa mga flood control projects na isinagawa sa ilalim ng administrasyon ni yumaong Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino.
Sa pinakahuling State of the Nation Address (SONA) ni Marcos, hindi naitago ng Pangulo ang pagkadismaya sa malawak na katiwalian sa naturang kagawaran.
Kamakailan lang, isinapubliko ni Marcos ang talaan ng 15 kontratistang naghati-hati sa P545 bilyong flood control projects mula 2022 hanggang 2025.
Wala pang pahayag si Singson sa alok na muling pamunuan ang DPWH.
