NI LILY REYES
Patay na nang natagpuang palutang-lutang sa La Mesa Dam ang 56-anyos na security guard, ayon sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD).
Kinilala ang biktima na si Eduardo Balinang Padre, residente ng Tondo, Maynila.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng CIDU-QCPD, dakong alas 2:30 ng madaling araw kanina nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa likuran ng guesthouse na hindi kalayuan sa dam sa bahaging sakop ng Barangay Greater Lagro sa Quezon City.
Ayon kay Sarhento Bennett Stephen, nagsasagawa ng roving inspection ang iba pang security guards — kabilang ang isang Renie Tallada nang napansin na wala sa kanyang pwesto si Padre.
Dahil dito, hinanap umano ni Tallada si Padre, kasama ang iba pang gwadya hanggang sa makita sa likod ng guesthouse ang katawan ng biktimang nakalutang sa La Mesa Dam.
Agad na ipinagbigay-alam sa mga awtoridad ang insidente sa Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO) na mabilis naman rumesponde at nag-ahon sa bangkay ng biktima.
Sa pagsusuri ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng QCPD Forensic Unit, pangunguna ni Captain Darrel Ray Ebol, walang nakitang foul play sa pagkamatay ng gwardya.
Nabatid na ang biktima ay naka-duty sa La Mesa Dam Guest House mula alas 6:00 ng gabi hanggang alas 6:00 ng umaga, at huling nakitang buhay bandang 5:30 ng umaga nitong Sabado (Agosto 23), habang nasa formation.
