GANAP nang nilagdaan ni Senate President Francis Escudero ang subpoena para sa mga kontratistang sangkot sa umano’y maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH)
Sa isang pahayag, nanawagan si Escudero sa mga “imbitadong” contractor na dumalo sa isinasagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, kasabay ng babalang ipapakulong ang hindi sisipot.
“Pinirmahan na yun last week pa. Lahat ng hiniling ng Blue Ribbon Committee sa pamumuno ni Sen. Rodante Marcoleta ay pinirmahan ko last week. So, inaasahan namin mase-serve yun sa loob ng linggong ito in time for the hearing next week,” ayon kay Escudero.
Kabilang sa pinadalhan ng subpoena ng komite si Cezarah “Ate Sarah” Discaya na aminadong yumaman mula ng maging contractor ng DPWH. Imbitado rin si Curlee Discaya na higit na kilala sa pangongolekta ng mga luxury cars na minsang itinampok sa isang programa sa telebisyon.
Kilala ang mag-asawa na nagmamay-ari ng St. Gerrard Construction Corporation at Alpha and Omega General Contractor and Development Corporation, ikalawa sa pinakamalaking nakakuha ng dambuhalang proyekto sa flood control projects na hindi makita.
“Kinakailangan bigyang linaw nila ang bagay na ito at kung hindi nila susundin ang subpoena ng Senado, ang susunod na doon ay arrest warrant na hindi ako mag-aatubili na pirmahan,” aniya.
Pag-amin ni Escudero, maging siya’y interesado alamin ang detalye sa likod ng mga maanomalyang flood control projects ng DPWH.
Bukod sa paglalantad ng katotohanan, nais din ng lider ng mataas na kapulungan tugunan ang usapin ng conflict of interest sa mga taong gobyerno na nagsisilbing contractor sa public works projects.
Una nang inihain ni Escudero ang Senate Bill No. 783 na naglalayong ipagbawal ang sinumang kaanak ng public official sa ikaapat na degree ng consanguinity or affinity na pumaloob sa anumang government contract.
“By banning public officials and their relatives up to the fourth civil degree of consanguinity or affinity from doing business with government potential avenues for corruption will be eliminated involving public funds.” (ESTONG REYES)
