MAY sapat na dahilan para mabahala ang Kongreso sa umano’y panibagong modus ng mga kontratista — ang pagsusumite ng palsipikadong “geotagged photos” na karaniwang ginagamit na patunay na tapos na ang proyekto.
Sa isang pahayag, nagpahiwatig ng agam-agam si Senador Mark Villar sa kumakalat na balita hinggil sa diskarte ng mga mapagsamantalang contractor para makasingil sa isang proyektong hindi naman ginawa.
“Ang tanong — nagsumite ba ang mga kontratista ng pekeng geotagged photos? Kung oo, malinaw na fraud ito,” ani Villar.
“Hindi dapat nakasingil sa gobyerno ang sinumang kontratista gamit ang panlilinlang,” dugtong ng mambabatas na nanungkulan bilang DPWH Secretary sa ilalim ng nakalipas na administrasyon.
Pag-amin ni Villar, siya mismo ang nagsulong ng geotagginbg sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang Kalihim ng naturang kagawaran. Gayunpaman, nilinaw ng senador na ang paggamit ng geotagging ay naglalayong tiyakin ang tinawag niyang “transparency” at “accountability.”
Ayon kay Villar, hindi lamang sa pagtatapos ng proyekto ginagamit ang geotagging. Sa kanyang panahon aniya, “mandatory” ang geotagging hangga’t patuloy ang paggawa.
Tampok sa geotagging ang eksaktong lugar, petsa at timestamp na kalakip ng larawan
“Ang layunin ng mandatory geotagging ay para masiguro ng gobyerno at ng publiko na ang proyekto ay tunay na ginagawa, kung saan at kailan ito nakatakda. Kung may mga kontratista na gumagawa ng paraan para lokohin ang sistema, iyon ay malinaw na abuso sa tiwala ng taumbayan at dapat imbestigahan nang mabuti,” aniya pa.
Panawagan ni Villar, sampahan ng kaong kriminal ang mga tinawag niyang manlolokong kontratista, gayundin ang mga tiwaling opisyales na kasabwat sa anomalya. (CESAR MORALES)
