ILANG araw matapos sibakin sa pwesto bilang hepe ng pambansang pulisya, hindi pa rin nahimasmasan si former Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III — hindi dahil sa sinapit na kapalaran, kundi sa bumuhos na suporta mula sa mga mamamayan.
Sa kanyang Facebook post, taos-pusong nagpasalamat sa publiko si Torre, kasabay ng isang marubdob na pangako — ang matibay na paninindigan para sa tama at ang pangakong sasagupa kung malagay sa alanganin ang kapakanan ng bayan.
Hindi man hayagan, nagpahiwatig ang heneral na mananatili sa PNP hanggang sa takdang araw ng pagreretiro — bagay na magkakait sa bagong talagang PNP chief ng pagkakataon masungkit ang ranggo bilang 4-star general.
“Sa bawat laban — sa ring man o sa serbisyo — ang tagumpay ay laging para sa taumbayan. Ang lakas at tapang ni Chief Torre ay para sa kapakanan ng bawat Pilipino. Dahil ang tunay na tagumpay ay ang patuloy na paglilingkod sa bayan”
Sa pagtatalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., naging komplikado ang istruktura ng pambansang kapulisan, maliban na lang kung nagreretiro ng maaga ang sinibak na si Torre.
Hanggat nasa “active service” si Torre, mananatiling officer-in-charge lang si Nartatez. Sa ilalim ng batas na lumikha ng PNP, isa lang ang pwedeng maging 4-star general — ranggo na mananatili kay Torre hanggang Marso 2026..
Samantala, inilutang naman ni Interior and Local Government Sec. Jonvic Remulla ang napipintong pagtalakay ng National Police Commission (Napolcom) sa komplikadog sitwasyon sa PNP.
“You will learn about that sooner, as soon as the Napolcom board convenes again next week,” ani Remulla.
“The question of the four star (rank) will be with Napolcom to take up,” dugtong ng Kalihim.
Sa kaugnay na balita, inamin ni Nartatez na may dalawang posibleng destinasyon si Torre sa ilalim ng kanyang pamumuno — sa kanyang tanggapan o kaya’y sa PNP Personnel Holding and Accounting Unit. (EDWIN MORENO)
