MAGIGING bukas at patas ang isasagawang imbestigasyon ng Kamara de Representantes sa umano’y malawakang korapsyon, pag-aaksaya, at iba pang uri ng katiwalian sa implementasyon ng flood control projects sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Ito ang tiniyak ni Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega kung saan binigyan-diin din niyang tutugon ang Kamara sa matibay na direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na masusing tutukan at huwag pahintulutan ang kahit maliit na korapsyon at pang-aabuso sa kapangyarihan sa pamahalaan.
“Kapag buhay ng tao ang nakataya, bawal ang palusot. Bawal ang palakasan. Every peso we lose to corruption is a life left at risk when floods hit. This investigation is not about politics — it’s about justice,” pahayag ng ranking House official.
Nauna rito, pinagtibay ng Kamara ang House Resolution No. 145 na naglalayong magsagawa ng joint investigation ang tatlong komite ng Kamara— ang Public Accounts, Public Works and Highways, at Good Government and Public Accountability— sa maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Batay sa mga paunang ulat, mahigit P500 bilyon ang nailaan mula 2022, ngunit maraming komunidad sa Metro Manila at sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang patuloy na nakalubog sa baha tuwing malakas ang ulan. Sa Malabon at Navotas, hindi pa rin maayos hanggang ngayon ang isang floodgate na nasira noong 2024—kahit “completed” na sa rekord ng DPWH.
“Pumapasok ang tubig sa bahay pero ‘di makita ang proyektong pinondohan. Saan napunta ang pondo” We owe the public clear answers.” ani Ortega.
Sa panig ni Deputy Speaker at Zambales Rep. Jay Khonghun, sinabi niyang ibabatay ang imbestigasyon sa ebidensya at due process, at kasabay ng pangakong gagamit ng pangil ang mababang kapulungan kung kinakailangan.
“Hindi ito witch hunt. Pero hindi rin ito palabas. Those who were entrusted with the people’s money—whether in government or the private sector—must explain. And if wrongdoing is proven, they must face consequences,” paliwanag pa ng Zambales solon.
“’Wag nating hayaang malunod sa baha ang tiwala ng taumbayan sa gobyerno. Kailangang may managot,” dugtong niya. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
